Mga senador nag-uunahan sa paghahain ng panukalang batas

MANILA, Philippines - Nag-uunahan na ang mga senador sa paghahain ng panukalang batas para maitala sa kasaysayan na sila ang kauna-unahang naghain ng bill na unang tatalakayin ng papasok ng 15th Senate.

Nabatid mula sa Bills and Index Section ng Senado na mula pa noong nagdaang Hunyo 9 kung kailan naiproklama ng national board of canvassers si President-elect Noynoy Aquino ay nag-umpisa nang pumila ang staff ng mga senador.

Buong maghapon umanong pumipila sa paghahain ng panukala ang mga staff ng mga senador upang walang makasingit sa kanila.

Pero ayon kay Atty. Emma Reyes, secretary general ng senado, ipinatanggal niya ang pila dahil masyado pang maaga at wala pa namang bitbit na bills o resolusyon ang mga nakapila.

Inilista na lamang umano ang mga pangalan ayon sa pagkakasunod-sunod ng kanilang pagpila. Sa Hunyo 30, alas-12 ng tanghali mag-uumpisang tanggapin ang mga bill at resolusyon ng mga senador.

Pinakamaagap na nagpapila si Sen. Loren Legarda, pangalawa si detained Senator Antonio Trillanes at sunod-sunod na sina Sens. Ramon Bong Revilla, Lito Lapid at Edgardo Angara.

Ayaw ding magpahuli sina Senators Juan Miguel Zubiri, Manny Villar, Jinggoy Estrada at pang-10 sa pila na si Miriam Santiago.

Ayon kay Atty. Reyes, hanggang 10 lamang munang panukalang batas ang tatanggapin mula sa mga nabanggit para ma­bigyang lahat ng tsansa ang mga nais mapabilang sa tinatawag na first filers.

Show comments