Toll fee hike sa SLEX inakyat na sa Supreme Court
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon sa Korte Suprema ni Albay Governor Joey Salceda na pigilan ang South Luzon Expressway (SLEX) na magtaas ng halos 300 porsiyentong toll fee.
Sa inihaing prohibition and Mandamus with application for the issuance of Temporary Restraining Order (TRO), hiniling nito na pigilan ng Korte Suprema ang mga respondent na ipatupad ang pagtataas ng toll fee sa SLEX na nakatakdang ipatupad sa Hulyo.
Kabilang sa mga respondent ang Department of Transportation and Communication, Toll Regulatory Board, Manila Toll Expressway Systems Inc., at South Luzon Tollway Corp.
Iginiit ni Salceda na dapat munang magkaroon ng public hearing bago ipatupad ang toll fee hike.
Wala rin umanong karapatan ang toll regulatory board na isama sa kontrata ang pagtatakda ng toll rate na isa umanong malinaw na paglabag sa Section 3 ng Presidential decree 1112 kung saan nakasaad na ang pagpasok sa kontrata ay maari lamang sa konstruksyon, operasyon at maintenance ng toll facilities.
Malinaw din umano na umabuso sa kapangyarihan ang TRB dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ng pumasok sila sa kontrata na nagsasaad ng pagtaas ng toll fee.
- Latest
- Trending