MANILA, Philippines - Tanging ang kautusan na lamang mula kay President-elect Noynoy Aquino at temporary restraining order mula sa Supreme Court (SC) ang makakapigil sa nakatakdang pagpapatupad ng 300% toll fee increase sa South Luzon Expressway (SLEX) sa darating na Hunyo 30.
Ito ang binigyan-diin kahapon ni Julius Corpus, spokesman ng Toll Regulatory Board (TRB) sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan.
Sinabi ni Corpuz na susunod ang TRB sa anumang ipag-uutos ng uupong si Presidente Aquino kung sakaling ipatigil ang toll fee increase, gayundin sa anumang ipag-uutos ng SC.
Binigyan ng hanggang 90 araw ang lahat ng sector para maghain ng kanilang mga petisyon sa TRB bago isagawa ang public hearing kaugnay sa panibagong toll fee rate sa SLEX.
“Maaring mapagtibay o maaring mapalitan kung ano ang ipinatutupad na rates, depende sa magiging resulta ng public hearing kaya binibigyan ng pagkakataon ang bawat sector na marinig ang kanilang panig,” ani Corpuz.
Sinabi ni Corpuz na posibleng bago matapos ang taon ay magkaroon ng pinal na desisyon kaugnay sa ipatutupad na toll fee.
Ang kompanyang South Luzon Toll Corporation ang magpapatupad ng toll fee increase matapos gumastos ng may P9 bilyon para sa rehabilitasyon ng SLEX.
Tiniyak ni Corpuz na sulit naman ang ipatutupad na bagong rate ng toll fees sa mga motorista.