Inagurasyon ni Pnoy idineklarang holiday
MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na special non-working holiday ang June 30 na inagurasyon ni President-elect Benigno Aquino III.
Sinabi ni PMS chief Elena Bautista, nilagdaan na ni Pangulong Arroyo ang rekomendasyon ni Executive Secretary Leandro Mendoza na gawing holiday ang June 30 upang masaksihan ng taumbayan ang pagsasalin ng kapangyarihan ni Mrs. Arroyo kay Aquino at ang panunumpa ni PNoy bilang ika-15 Pangulo ng bansa.
Manunumpa si PNoy kay SC Associate Justice Conchita Carpio-Morales gayundin si VP-elect Jejomar Binay na naunang nagsabing gusto niyang manumpa kay SC Chief Justice Renato Corona.
Gaganapin ang inagurasyon ni PNoy sa Quirino Grandstand sa Maynila kung saan ay magkasabay na darating sina Aquino at Arroyo sakay ng presidential car.
Matapos manumpa ni Aquino ay aalis na si PGMA sakay ng kanyang pribadong sasakyan pauwi sa kanilang tirahan sa La Vista subdivision sa QC.
Magkakaroon naman ng inaugural Cabinet meeting si Aquino sa Malacanang kasunod ng reception kung saan ay imbitado ang Diplomatic Corps.
Inagurasyon ni Pnoy idineklarang holiday.- Latest
- Trending