MANILA, Philippines - Lumobo sa 24 milyon ang estudyante na magbabalik-eskwela sa araw na ito sa simula ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo sa buong bansa.
Sinabi ni Education Secretary Mona Valisno, handa na ang Department of Education (DepEd) sa pagbabalik ng mga mag-aaral matapos na maisaayos at makumpuni na ang mga silid-aralan sa pamamagitan ng Brigada Eskwela.
Inamin nito na marami pang problemang kinakaharap ang ahensya dulot ng mga kakapusan ngunit marami sa mga ito ang natugunan na.
Target ng ahensya na magkaroon ng 40 estudyante kada isang klase ngunit maraming mga paaralan ang may populasyon na higit pa sa 60 mag-aaral kada isang guro habang maraming lugar pa rin ang naghahatian sa mga textbooks.
Muli namang binalaan ni Valisno ang mga principal, at mga guro laban sa paniningil ngayong pasukan na mahigpit na ipinagbabawal ng ahensya. Patuloy pa rin sa pagtanggap ng sumbong ang DepEd Action Center sa telepono bilang: (632) 6316033, fax (632) 6364876; bumisita sa Website: www.deped.gov.ph; o sumulat sa Email: comm-sec@deped.gov.ph.
Kaugnay nito, umapela rin ang DepEd sa mga may-ari ng internet shop o internet cafe na huwag pahintulutang makapasok sa kanilang establisimyento ang mga estudyante lalo na kung oras ng klase at kapag nakasuot pa ng uniporme.
Tiniyak naman ni Valisno na magpapakalat ng monitoring team ang DepEd para manmanan ang mga internet shop lalo na sa paligid ng mga paaralan.
Samantala, ang mga paaralan na nasa paligid ng nag-aalburutong Taal volcano sa Talisay, Batangas ay kanselado ang pagbubukas ng klase at mananatili ang kanselasyon nito habang nakataas ang alert level 2 sa naturang bulkan.
Sinabi ng DepEd na maari namang mapunan ang mga araw na mawawala sa klase ng mga mag-aaral dito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng klase tuwing Sabado o Linggo.