Comelec bubuo ng Independent team
MANILA, Philippines - Bubuo ang Commission on Elections (Comelec) ng isang independent team na siyang magre-repaso sa kauna-unahang nationwide automated elections na idinaos sa bansa noong May 10, 2010.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na ang naturang grupo ay bubuuin ng mga ‘international experts’ na siyang maga-assess ng patas sa ginanap na halalan.
Ipinaliwanag ni Jimenez, iba ito sa post-election evaluation na ginagawa ng Comelec kung saan gumagawa sila ng “breakdown” ng mga nangyari noong halalan.
Kasama aniya sa magiging assessment ng independent panel ay may kaugnayan sa standards na ipinatupad sa automated election, bilis at accuracy ng resulta ng eleksyon at reaksyon ng mga botante sa proseso ng botohan.
Ayon pa kay Jimenez, aalamin din ng nasabing panel ang mga naging problema sa eleksiyon, upang mabigyan ito ng akmang solusyon.
Nabatid na ang magiging report ng panel ay ipapadala ng Comelec kina outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo at President -elect Benigno Simeon Noynoy Aquino III.
Ang plano ng poll body ay kasunod nang panawagan ng polwatchdog na Automated Election System Watch (AESW) sa Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) na bumuo ng isang independent body na mag-a-assess sa ginanap na automated elections.
- Latest
- Trending