GMA nagpaalam na sa AFP
MANILA, Philippines - Pormal ng nagpaalam kahapon si Pangulong Arroyo sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas bilang kanilang Commander-in-Chief sa isang testimonial parade na inalay ng AFP sa kanya.
Sa harap ng mahigit 1,000 sundalo kabilang ang elite Philippine Military Academy (PMA) cadets sa pangunguna ni AFP chief of Staff Gen. Delfin Bangit, mariing inihayag ni Pangulong Arroyo na ang pagkakaloob ng mataas na sahod at benipisyo sa mga sundalo ang isa sa mga legacy na kanyang iiwan sa AFP.
“I thank the Armed Forces of the Philippines for this testimonial review but more than that for the last nine years when you gave me the best of your efforts, best of your skills, best of your sacrifices, best of your passion to serve the flag and the constitutional authority. Thank you,” pahayag ng Pangulo na ginawaran rin ng memento ng AFP.
Kinilala rin ng Pangulo ang sakripisyon at propesyunalismo ng AFP sa loob ng siyam na taon ng kanyang panunungkulan. “Within the nine years of my presidency therefore, we’ve increased the base pay of soldier five times,” ani Arroyo kasunod ng pahayag na lahat ng miyembro ng AFP ay makakatanggap ng panibagong dagdag na sahod sa susunod na buwan.
Sinamantala naman ni Bangit ang nasabing okasyon upang ipaabot ang pasasalamat ng mga sundalo sa mga repormang isinulong ng punong ehekutibo sa loob ng siyam na taong panunungkulan bilang kanilang Commander-in-Chief, kabilang na rito ang pagtugon sa suliranin sa kidnapping sa Mindanao, pagsusulong ng kapayapaan at katatagan ng bansa, pagpapaigting ng combat military operations laban sa mga lawless elements kasabay ng peace and development projects ng pamahalaan.
Ayon sa Chief of Staff, naging matagumpay na instrumento si Pangulong Arroyo para itaas ang moral ng kasundaluhan, pagbibigay prayoridad sa kagalingan ng mga sundalo at ang pagsusulong para maitaas ang sahod ng mga ito.
Nabatid na limang ulit na naitaas ang sahod ng mga sundalo sa loob ng siyam na taong panunungkulan ni Arroyo.
“With the Salary Standardization law which was ratified by President Arroyo, our soldiers are also looking forward to yearly increases from 2010 to 2012. More benefits were made available for our soldiers as well: double benefits for soldiers killed or wounded in action, more scholarships for soldiers’ children, more housing projects, and more amenities for the men and women in the field,” sabi pa ni Bangit.
Inamin naman ni Bangit na pinag-iisipan na niya ang maagang pagreretiro.
Si Bangit ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa darating na Hulyo 1, 2011 pero dahil hindi ito ang personal choice ni President-elect Noynoy Aquino bilang Chief of Staff ay namemeligrong mabawian pa ng isang estrelya na kauna-unahan sa kasaysayan lalo na at malabo ng masungkit pa ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).
Alinsunod sa tradisyon at alituntunin ng AFP, ang ika-apat na estrelya ay para lamang sa Chief of Staff at kung hindi magreretiro ng maaga si Bangit ay ito ang kauna-unahang pinuno ng hukbo na malalagay sa floating status.
- Latest
- Trending