Supply ng asukal stable - SRA
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na stable pa rin ang supply at halaga ng asukal sa bansa.
Ayon kay SRA Administrator Bernardo Trebol, sobra sobra ang imbak na suplay ng asukal sa bansa kayat walang dapat ipangamba ang mga consumers sa posibleng pagtaas ng presyo nito ngayong tag-ulan.
Aniya, sumobra ng 600,000 metric tons ang imbak na asukal sa mga warehouses ng ahensiya hindi pa kasama dito ang imbak na asukal ng mga traders at wholesalers.
Kaugnay nito, sinabi ni Trebol na hindi niya papayagan na lumikha ng ingay ang mga tiwaling negosyante at magsasabing may shortage ng asukal na magiging daan para magtaas ng presyo sa produkto.
Idinagdag pa ng SRA chief, parurusahan nito ang mga mapagsamantalang negosyante dahil walang magaganap na pagtaas ng presyo ng asukal dahil sa sobrang daming imbak ng suplay nito bukod pa ang imported sugar na dumating na sa bansa.
Ang retail price ng refined sugar sa ngayon ay P52.80 kada kilo at ang raw sugar ay P44.42 kada kilo.
- Latest
- Trending