Noynoy binalaan sa pagtrato sa AFP
MANILA, Philippines - Binalaan kahapon ng isang political at military analyst si presidential frontrunner Sen. Noynoy Aquino na mag-ingat ng desisyon lalo na sa pagtrato sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil posible itong pagsimulan muli ng panibagong kudeta.
Ito’y sa gitna na rin ng plano at mga sulsol umano kay Noynoy na tanggalin sa key positions ang lahat ng mga produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’78 sa pangunguna ni AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit.
Ayon kay Dra. Clarita Carlos, isang political at military analyst sa University of the Philippines, isang disiplinadong organisasyon ang AFP at lilikha ng demoralisasyon kung maba-bypassed, babawian ng ranggo ang mahigit 300 nitong officers na sumasalang sa Commission on Appointments na kung hindi maagapan ay lilikha ng panibagong pag-aaklas.
Sinabi ni Carlos na kung may nais palitang opisyal ng AFP si Noynoy sa puwesto ay dapat niya itong isagawa ng maayos sa isang paraang hindi nito masasagasaan ang prosesong umiiral sa hirarkiya ng AFP upang hindi pagmulan ng pag-aalburuto sa hanay ng mga sundalong nakikisimpatiya sa kanilang mga opisyal.
Una nang sinabi ni Aquino na hindi niya ire-reappoint si Bangit bilang Chief of Staff ng AFP.
Samantalang samutsaring mga text messages naman ang kumakalat ngayon sa mga kampo ng militar kaugnay ng kalituhan bunga ng tunay na status ni Bangit na planong bawian ng isang estrelya o ibalik sa 3-star position.
“Panawagan sa mga Pilipino. Ang AFP ay isang propesyunal na institusyon na katuwang ng gobyerno. Huwag payagan na babuyin ito ng mga walang utang na loob na pulitiko. Pag pinabayaan, baka di makayanan,” anang isa sa mga text messages.
Nitong Biyernes ay mahigit sa 300 officers ang na-bypassed ang kumpirmasyon sa CA sa pangunguna ni Bangit habang ang iba ay kinabibilangan naman ng 3 Lieutenant Generals, 11 Major Generals, 40 Brigadier Generals at 247 full colonels.
Bilang reaksyon, sinabi ni AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na wala sa bokabularyo ng mga opisyal at tauhan ng AFP ang kudeta at kung may personal mang sentimyento ang ilan sa mga ito ay normal lamang ito.
“We strictly adhere to the chain of command, we will continue to uphold professionalism in the service,” ani Burgos na tiwalang walang magaganap na panibagong kudeta laban sa papasok na administrasyon ni Noynoy.
- Latest
- Trending


















