Dahil walang quorum, Freedom of Information Act 'pinatay' sa Kamara
MANILA, Philippines - Bigong maipasa ng Kamara ang Freedom of Information Bill matapos hindi magkaroon ng quorum ang mga kongresista sa huling sesyon ng 14th Congress kahapon.
Nagkagulo sa plenaryo ng hindi pirmahan ang Freedom of Information Act at nauwi sa walkout ni Manila Rep. Bienvenido Abante na siyang sponsor ng panukala na magpapabilis sana sa pagbibigay sa impormasyong hinihingi ng bawat mamamayan lalo na ang media sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento sa mga ahensiya ng gobyerno.
Idineklara ni House Speaker Prospero Nograles na walang quorum o sapat na mambabatas dahil 128 lang sa 216 na solon ang sumipot.
Nabatid na 35 batas sana ang pag-uusapan subalit ni isa ay walang natalakay. Ilang mambabatas ang nasa lounge lang umano pero piniling hindi magpakita sa sesyon. Hindi umano sila papayag na maipasa ang batas na hindi dumadaan sa debate. Nabatid na 120 ang sponsors ng naturang bill.
Dahil dito, hiniling ni CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva na ipaaresto ang mga absent na kongresista na tinawanan lang ni Nograles.
Bunsod nito, balik uli sa round 1 ang panukala at kailangan muling may mag-file, may mag-sponsor sa Freedom of Information bill sa pagbubukas ng 15th Congress sa Hulyo.
- Latest
- Trending