MANILA, Philippines - Nagpasya ang Commission on Elections na huwag nang bawiin ang proklamasyon ng kontrobersiyal na party-list group na Ang Galing Pinoy (AGP) na kinakatawan ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo, bilang first nominee nito.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, matapos ang session na isinagawa ng Comelec en banc kahapon ay napagkasunduan nilang huwag nang bawiin ang proklamasyon.
Gayunman, hindi pa rin umano maaaring makapuwesto sa Kamara ang Presidential Son bilang party-list representative, kahit siya pa ang first nominee ng grupong kumakatawan sa mga security guard at mga tricycle driver.
Kinakailangan muna umanong pinal na madesisyunan ang mga disqualification cases na kinakaharap ni Arroyo bago matukoy kung makakapuwesto sa Kamara o hindi.
Ipinaliwanag ni Sarmiento na sa ilalim ng rules on party-list system, ang party-list naman at hindi ang nominee nito ang kanilang iprinu-proklama.
Dahil dito, posibleng sa mga susunod na araw ay maari na ring iproklama ang party-list group na 1-UTAK dahil ang diskuwalipikasyon na kinakaharap ay patungkol lamang sa first nominee nito na si dating Energy Secretary Angelo Reyes.
Noong Lunes iprinoklama na ng Comelec en banc, na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) ang Ang Galing Pinoy, kasama ang 27 iba pang party-list na nanalo sa halalan noong Mayo 10.
Gayunman, matapos ang ilang oras ay verbal na binawi ng poll body ang proklamasyon sa AGP, bunsod na rin ng pagkuwestiyon ng ilang militanteng grupo kay Arroyo bilang kinatawan nito.
Tiniyak ni Sarmiento na lahat ng petisyon na nakasampa laban sa mga nanalong party-list groups at mga nominado ng mga ito ay kanilang reresolbahin sa lalong madaling panahon, lalo na’t nalalapit na ang pagku-convene ng Kongreso, gayundin ang pagluluklok ng bagong House Speaker.