MANILA, Philippines - Haharangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral sa pampublikong elementarya at high school.
Ginawa ng CBCP ang pahayag sa harap na rin ng napipintong pagtuturo ng sex education sa mga pampublikong paaralan sa darating na pasukan.
Sinabi ni CBCP Spokesperson Monsignor Pedro Quitorio na hindi nagbabago ang posisyon ng simbahan sa usapin ng sex education sa mga estudyante.
Nanindigan umano ang simbahan na ang pagtuturo sa kabataan tungkol sa sekswalidad ay sisira lamang sa kanilang moral values.
Nilinaw naman ni Education Secretary Mona Valisno na mga tamang bagay lamang ukol sa “sex” ang kanilang ituturo sa mga mag-aaral at hindi ang mga kontra sa “religious beliefs” ng simbahan.
Sinabi ni Valisno na isasama na nila sa kurikulum ang sex education kung saan maaaring isabay ito sa araling “Health and Sciences”.
May 59 high school at elementarya ang inisyal na tuturuan kasama ang mga pupils sa Grade 5 at 6 sa elementarya kung saan ipaiintindi muna ang mga bumubuo sa kasarian ng lalaki at babae habang ang ibang bagay ukol sa sex ay maaaring ituro na sa high school.
Suportado naman ng mga grupong Alliance of Concerned Teachers, at Teachers Dignity Coalition ang hakbang dahil sa hindi na umano biro ang nangyayaring “pre-marital sex” ngayon sa mga kabataan na pangunahing sanhi ng paglobo ng populasyon ng bansa.
Sinabi ng mga guro na bilang mga educators mas nararapat na magmula sa kanila ang pagtuturo ng mga tamang edukasyon ukol sa sex at hindi sa mga “polluted sources” tulad ng mga websites sa internet at iba pang mga babasahin.
Samantala, pasok na rin sa kurikulum sa high school ang pagtuturo ng consumer education kung saan nakapaloob ang mga karapatan ng isang mamimili laban sa mga mapagsamantalang mga negosyante at establisimiyento.
Layon nito na malaman ng mga mag-aaral habang bata pa ang kanilang mga karapatan sa negosyo upang hindi madaya at mapataas ang consumer rights awareness sa Pilipinas tulad ng antas sa mga mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos.