MANILA, Philippines - Upang maisakatuparan ang pinakamimithing kapayapaan sa bansa, sinabi kahapon ni Government Panel Chairperson Rafael E. Seguis na kailangan ang patuloy na pagtuon at pagtitiyaga sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front.
Kasunod ito sa naging pahayag ni MILF Panel Chairman Mohagher Iqbal na ang MILF ay dismayado sa administrasyong Arroyo na selyuhan ang peace negotiations sa pagitan nila ng gobyerno na inabot na ng 9 na taon.
Sa pagpupulong ng international peace negotiators sa New World Hotel kahapon, sinabi ni Pangulong Gloria Arroyo na nagdeklara siya ng polisiya na all-out peace sa Mindanao at isusulong ang kapayapaan sa rehiyon hanggang sa huling minuto ng kanyang termino.
Nakatakdang mag-usap sa susunod na linggo ang GRP at MILF Peace Panels sa Kuala Lumpur upang ipagpatuloy ang kanilang usapin.