Total Pro-Gun Law ilalarga
MANILA, Philippines – Sa halip na palawigin ang pagpapatupad ng “total gun ban” sa bansa mas mainam umano kung papayagan ng pamahalaan ang lahat ng kwalipikadong mamamayan na makabili at magmay-ari ng baril na legal upang makatulong sa pananatili ng kapayapaan sa buong bansa.
Sa isang press conference, sinabi ng Gun Enthusiast Confederation of the Philippines (Gencop) nararapat lamang na magpasa ang Kongreso ng isang batas na magbibigay ng karapatan at hindi lamang pribilehiyo sa mga mamamayan na mag-ari ng baril.
“Ngayon kasi meron total gun ban pero walang total pro gun,” sabi Perry Punla, pangulo ng Gencop at advocate ng ‘total pro gun.’
Ayon kay Punla, hihikayatin nila ang Kongreso na amiyendahan ang ang batas na may kinalaman sa pag-aari ng baril.
Hindi anya sapat ang bilang ng kapulisan upang protektahan ang 80-milyong Pilipino sa bansa kaya’t nararapat lamang na mabigyan ng karapatan ang mga mamamayan nito na protektahan ang sarili nila sa pamamagitan ng baril.
Sa kanilang proposal na tinatawag na ‘total pro gun’ law hindi na dapat kumuha ng “permit to carry firearms outside residence” ang isang tao kung ang baril na kanyang pag-aari ay lisensiyado na ng Philippine National police.
“Sa mga nagsasabi na nakakamatay ang baril, maling notion kasi ang nakakamatay yung tao na may hawak ng baril, walang pinagkaiba ito sa driver ng sasakyan. Hindi naman yung sasakyan ang nakakamatay, kundi yung driver,” paliwanag ni Punla.
Kung sakali naman magamit ang baril sa hindi tamang paraan, ipinaliwanag ni Punla, may mga batas at korte naman ang bansa na siyang maglilitis sa nagkasala at magbibigay ng parusa sa sinumang nakagawa ng paglabag.
“Sinasabi ng PNP successful ang election dahil sa gun ban at sumunod naman kaming gun owners. Pero kung titignan mo records marami din naman ang namatay sa ambush at loose firearms ang ginamit dito,” dagdag pa ng Gencop president.
Naniniwala din siya na kung ang mga kriminal ay gumagamit ng mga baril upang maisakatuparan ang kanilang masamang balakin, mas higit na may karapatan ang mga ordinaryong mamamayan na gumamit ng baril upang proteksiyunan ang kanilang sarili laban sa mga criminal.
“Sana ay hayaan muna kaming makatulong at kung maliit na ang number ng loose firearms dun na ulit pag-usapan ang gun ban. Kung meron sa aming gagamit ng baril sa hindi tamang paraan, yun ang mananagot sa korte hindi ang kapulisan,” sabi pa niya.
Kamakailan lamang ay ipinahayag ni PNP Director Gen. Jesus Verzosa ang planong pagpapalawig ng gun ban na ipinatupad ng Commission on Election (Comelec) kaugnay ng May 10 election upang mapigilan ang pagkaakroon ng karahasan sa eleksiyon.
Nilinaw naman ni Verzosa na ang pagpapalawig ng gun ban ay hindi maituturing na “total gun ban” dahil meron din silang papayagan mga tao na makapagdala ng baril subalit ito’y magiging kontrolado.
Nakatakda din magsagawa ng second National Firearms Control Summit sa darating na June 4 upang pag-usapan ang total gun ban proposal.
- Latest
- Trending