MANILA, Philippines - Kinuwestyon kahapon ni presidential frontrunner Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ang naging desisyon ng Ombudsman na nagbasura ng kaso laban kay First Gentleman Jose Miguel Arroyo kaugnay sa kontrobersyal na NBN-ZTE deal.
Sinabi ni Sen. Aquino, batid niyang hindi naman puwedeng isama sa kaso si Pangulong Arroyo dahil may immunity from suit ito habang siya ang Pangulo pero kapag bumaba na ito sa puwesto ay ibang usapan na ito.
Ayon kay Noynoy, kwestyonable ang naging desisyon ng Ombudsman na tanging sina dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. at dating NEDA chief Romulo Neri ang dapat makasuhan.
“I think they by themselves would not be able to effect that whole transaction so I don’t think it is all-encomapssing, nor does it put a total closure on the issue,” giit pa ni Aquino.
Aniya, kabilang sa kanilang pangako noong kampanya na magkakaroon ng closure ang lahat ng isyu at mga kaso.
Naniniwala din si Noynoy na hindi kaya nina Abalos at Neri lamang na maisara ang nasabing deal.
“Therefore the conspiracy has not been established completely and those who are responsible have not been identified and brought to the bar of justice. Those who are accused have an opportunity to clear their names but we need to have complete closure on it to prevent any future occurrence of the same,” paliwanag pa ng presidential frontrunner.
Siniguro din ni Noynoy na kikilalanin at igagalang ng kanyang administrasyon ang lahat ng karapatan ni Mrs. Arroyo at pamilya nito sakaling sila ay makasuhan.
Hindi midnight clearance
Iginiit naman ng Maalacañang na hindi isang “midnight clearance” ang pagkaka-abswelto ng Ombudsman kina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo sa NBN-ZTE deal.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, dapat alalalahin ng mga kritiko na maging sa imbestigasyon ng Senado ay walang naiharap na ebidensiya laban sa mag-asawang Arroyo kaugnay ng NBN-ZTE deal investigation.
Wika pa ni Usec. Olivar, hindi sila nagulat sa naging desisyon ng Ombudsman dahil sa Senado mismo ay wala namang nakitang pananagutan si Pangulong Arroyo sa nasabing ibinasurang NBN-ZTE deal.
“Critics should remember that even the Senate inquiry by Sen. Richard Gordon found no culpability on the part of the President,” paliwanag pa ni Olivar.
Joey III ikinagalak ang desisyon
Ikinagalak ng negosyante at NBN-ZTE whistle-blower Joey de Venecia lll ang desisyon ng Office of Ombudsman na sampahan ng kasong graft sina Abalos, Neri sa NBN-ZTE deal case.
Ayon sa batang De Venecia, natutuwa siya dahil nasa hukuman na ang nasabing usapin na nagsimulang lumikha ng ingay noong Setyembre 2007.
“Ibig sabihin nito ay umaandar na ang kaso, ang panalangin na lang natin ay huwag sana itong tulugan ng prosecutor na hahawak para hindi masayang at mabale-wala ang ating ipinaglalaban na wakasan ang katiwalian sa pamahalaan,” ayon sa anak ng dating House Speaker Jose De Venecia.
Idinagdag ni De Venecia na maaari pa namang sampahan ng kaso si First Gentleman sakaling may makitang bagong ebidensya na magdidiin dito sa maanomalyang negosasyon.
Magugunitang inakusahan ng batang De Venecia sina Abalos at Neri ng pakikialam sa negosasyon para maaprubahan ang $329 million broadband deal sa pagitan ng pamahalaang-Pilipinas at ZTE Chinese company.
Umano, overpriced ng halos P130 milyon ang kontrata na paghahatian ng mga makikinabang na opisyal.