MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na taas-noo nilang isasalin ang blue print ng mga nagawa ng Arroyo administration sa susunod na administrasyon.
Sinabi ni Presidential Management Staff chief Elena Bautista sa media briefing, handa na ang blue print ng mga nagawa ng Arroyo government upang ibigay nila sa susunod na administrasyon.
Wika ni Sec. Bautista, nakangiting iiwan ni Pangulong Arroyo ang gobyernong kanyang pinamunuan sa loob ng 9 na taon at isalin ito sa susunod na administrasyon.
Hindi man anya naging perpekto ang Arroyo government ay maraming maiiwang legacy ito sa susunod na administrasyon gayundin ang mga programa at proyekto na puwedeng ituloy.
Mahigit isang libong vacant positions sa gobyerno ang puwedeng punuan ng susunod na administrasyon kabilang ang 67 co-terminus na posisyon ng secretary, undersecretary at assistant secretary.
Siniguro din ni Bautista na handang makipagtulungan ang transition team ni Pangulong Arroyo sa pamumuno ni Executive Sec. Leandro Mendoza sa susunod na administrasyon.
Inaasahan ng PMS chief na itutuloy ng next administration ang naiwang mga proyekto ni Mrs. Arroyo tulad ng MRT 7, LRT line 1 extension gayundin ang SLEX-NLEX inter-connection at mga programa na nakatulong sa mga magsasaka at pangkaraniwang mamamayan.