BI ipinatutupad ang anti-red tape law
MANILA, Philippines - Naipatutupad nang buo ng Bureau of Immigration (BI) ang mga probisyon ng anti-red tape law o ang Republic Act 9485 sa pamamagitan ng paglalagay ng citizen charter sa buong bansa.
Bilang pagsunod sa batas, inutusan ang mga opisyal ng ahensiya sa mga lalawigan na magpatupad ng sariling citizen’s charter bilang bahagi ng patuloy na misyon ng ahensiya na burahin ang red tape at lalo pang pabilisin ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, bumuo na siya ng special committee na inatasang maglatag ng citizen charter ng ahensiya tulad ng nakasaad sa Section 6 ng RA 9485.
Tiniyak naman ni Libanan sa mga dayuhan at publikong nakikipagtransaksyon na anumang nakasulat na reklamo na isinampa sa kanyang tanggapan ay aaksiyunan nang naa ayon sa batas.
“I already instructed all division and section heads in the bureau, especially those involved in frontline services to immediately answer all concerned directed to them and provide the same to the concerned parties,” wika ni Libanan kasabay ng pangakong ipatutupad ang batas ukol sa anti-red tape.
Nabatid mula kay Libanan na ang BI main office ay naglabas na ng sariling citizen’s charter noon pang June 2009 sa pamamagitan ng pag-imprenta at pagpapakalat ng brochures, website publications at paglalagay ng tarpaulins kung saan nakalagay ang step-by-step system at proseso para makakuha ng serbisyo ng ahensiya.
- Latest
- Trending