MANILA, Philippines - Inaasahang aarangkada na ang opisyal na canvassing ng boto para sa presidente at bise presidente matapos i-convene kahapon ang Kongreso bilang National Board of Canvassers.
Dakong alas-2:53 ng hapon binuksan nina Senate President Juan Ponce Enrile Jr. at House Speaker Prospero Nograles ang joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso kung saan pag-uusapan ang rules na gagamitin sa pagbibilang kung electronic ba o manual, at ang pormal na paghahalal ng mga miyembro na uupo sa NBOC.
Sinigurado ni Enrile na matatapos nila ang pagbibilang ng boto bago mag-Hunyo 15.
Nasa 54 certificates of canvass na lamang ang hinihintay ng Senado na mai-deliver sa Senate building samantalang nauna nang nailipat sa House of Representatives ang nasa 217 na COCs.
Bukod kay Enrile, kabilang sa mga senador na magbibilang ng boto sina Senators Juan Miguel Zubiri, Rodolfo Biazon, Alan Peter Cayetano, Aquilino Pimentel Jr., Gregorio Honasan, Edgardo Angara, Bong Revilla, at Joker Arroyo.
Magiging alternate members naman sina Senators Francis Pangilinan, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, at Pia Cayetano.