MANILA, Philippines - Napamura sa galit at halos ma-high blood si Makati Rep. Teodoro Loc sin, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sa mga opisyal ng Smartmatic, habang nagsasagawa ng pagdinig sa Kongreso kahapon hinggil sa umano’y dayaan sa katatapos na automated election, matapos na madismaya sa sagot ng mga ito ukol sa mga nagkamaling oras na nakalagay sa mga election returns (ERs).
Nauna rito, kinuwestiyon ni Parañaque Rep. Roilo Golez ang aniya’y “erratic date” at time stamps ng mga ERs at tinanong kung bakit walang precautionary functions ang automated system para matiyak na ang petsa at oras sa mga makina ay tama.
Ipinaliwanag naman ni Heider Garcia ng Smartmatic, na nire-rekord lamang ng time stamps sa makina ang sequence o ang pagkakasunud-sunod ng aksiyon ngunit hindi umano nito kayang sabihin kung kailan ito nangyari.
Dito na sumambulat sa galit si Locsin at isinumbat sa Smartmatic ang pangako nito na anumang pangyayari sa pagitan ng 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi ay magre-reflect ng tamang oras sa makina, ngunit lumilitaw pala umano na ang pangyayari ng 7:00 ng gabi ay maaring lumitaw na 10:00 ng gabi naganap.
Hindi na rin nakontrol ni Locsin ang kaniyang emosyon at nakapagmura pa, nang sabihin ng Smartmatic official na ang kaniyang binanggit ay isang “unforeseen situation.”
Mabilis namang sinalag ni Golez ang sitwasyon at ipinabura sa record ang pagmumura ng mambabatas. Butch Quejada/Mer Layson