MANILA, Philippines - Pormal nang inihayag kahapon ng Liberal Party na si Quezon CIty Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte na nanalong congressman ng Quezon City ang kanilang “manok” at susuportahan sa labanan ng speakership sa House of Representatives sa pagpasok ng 15th Congress.
Inihayag kahapon ni vice presidential bet at LP President senator Manuel “Mar” Roxas II na wala silang ibang susuportahan sa speakership kundi si Belmonte lamang.
Ayon kay Roxas, ang pagpili kay Belmonte ay napagkasunduan sa ginawang party caucus sa LP headquarters sa Quezon City.
“Unanimous” umano ang endorsement kay Belmonte mula sa kabuuang 30-party members na dumalo sa party caucus.
“Siya ang aming susuportahan, siya ang aming ikakampanya at nakakasiguro ako na siya ang lalabas na Speaker,” sabi ni Roxas.
Inamin ni Roxas na nagka-interes ding tumakbong Speaker si Quezon Cong. Erin Tañada pero kaagad nagpaubaya kay Belmonte, dahil sa hangaring magkaroon ng party unity.
Naniniwala si Roxas na ilalampaso ni Belmonte si incoming Pampanga 2nd district Congresswoman at outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo sa labanan ng speakership.