MANILA, Philippines - Nagpahayag kahapon ng kumpiyansa ang Liberal Party na ilalampaso ni incoming 4th District Representative at kasalukuyang Quezon City Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte sa Speakership ng House of Representatives si Pangulong Gloria Arroyo na nanalo namang kinatawan ng Pampanga.
Ayon kay LP General Campaign Manager Florencio “Butch” Abad, sigurado na silang masusungkit ni Belmonte ang liderato ng Kamara lalo pa’t kaalyado si Belmonte ni incoming president Sen. Noynoy Aquino.
Sinabi pa ni Abad na wala na silang nakikitang sagabal upang hindi maluklok muling Speaker ng House of Representatives si Belmonte.
Bagamat 45 LP congressmen lamang umano ang nanalo sa papasok na 15th Congress, ilang miyembro na ng iba’t ibang partidong pulitikal ang nagpahayag ng interes na handa silang makipag-alyansa sa LP.
Inihalimbawa ni Abad ang nangyari noong 1998 presidential elections kung saan iisa lamang umano ang kaalyado ni dating Pangulong Estrada, si Quezon City Rep. Rey Calalay, pero pagkatapos lamang ng ilang linggo, nakuha ni Estrada ang mayorya ng Kamara.
Ganito rin umano ang scenario ni dating Pangulong Fidel Ramos kung saan limang congressmen lamang ang kaalyado ng administrasyon, pero agad rin nitong nakuha ang 80% ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.