Dinukot na Mayor, 4 escorts buhay pa
MANILA, Philippines - Buhay pa ang alkalde at apat nitong security escorts na binihag ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa hangganan ng Trento, Agusan del Sur at Monkayo, Compostela Valley noong Mayo 5.
Ito’y matapos na magpalabas na ng ‘proof of life’ sa pamamagitan ng voice clips na ipinadala sa e-mail ang mga rebelde na responsable sa pagdukot kay Lingig, Surigao del Sur Mayor Roberto Luna Jr. na vice mayoralty candidate sa kanilang lugar.
Kinilala naman ang apat na security escorts na sina Private First Class Johnrey Abao at Arnel Dizon; pawang ng Army’s 58th Infantry Battalion at ang dalawang parak na sina PO2 Boy de Castro at PO3 Alan Dapitanon.
Nabatid na ang Conrado Heredia Command ng NPA na kumikilos sa Southern Mindanao ang nagpalabas ng voice clips na nakunan noong Mayo 12.
Sa nasabing voice clips ay sinabi ni Luna na trinatrato naman sila ng maayos at pinaiinom siya ng gamot para sa kaniyang sakit.
Magugunita na ang mga biktima ay kinidnap ng mga rebelde na nag-checkpoint sa highway sa lugar habang patungo sana ang alkalde sa Davao City upang dalawin ang maysakit nitong anak.
Samantala iginiit pa ng mga rebelde na lilitisin nila sa Hukumang Bayan si Luna dahilan umano sa mga kaso ng pangangamkam ng lupain at korapsyon.
Nagpapatuloy naman ang search and rescue operations ng tropa ng militar upang iligtas ang mga bihag.
- Latest
- Trending