MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Executive Secretary Leandro Mendoza na makipag-ugnayan na ito sa transition team ng susunod na pangulo ng bansa.
Ayon sa Pangulo, dapat maaga pa ay maging maayos na ang transition o pagsasalin ng kapangyarihan sa susunod na chief executive matapos ang May 10 elections.
Siniguro rin kahapon ng Malacañang na handa si Pangulong Arroyo sa anumang balakin ng susunod na administrasyon.
Nasa Kamara lamang ang Pangulo sakaling nais man siyang habulin ng susunod na administrasyon.
Samantala, malaki naman ang lamang ni Pangulong Arroyo sa congressional race sa 2nd district ng Pampanga habang ang kaalyado nitong si dating Board Member Lilia Pineda naman ang nangunguna sa gubernatorial race kung saan ay inilampaso ng husto nito si Pampanga Gov. Ed Panlilio.