Halalan ginulantang, bombing, kidnapping, patayan
MANILA, Philippines - Ginulantang ng mga pambobomba, barilan, patayan at kidnapping ang araw ng halalan kahapon sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ito ang nabatid sa monitoring ng National Command Center ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines - Task Force HOPE (Honest , Orderly and Peaceful Elections).
Sa report, apat katao ang nasugatan makaraang pasabugan ng bomba ang isang polling center sa bayan ng Baluan, La Union dakong alas- 10 ng umaga.
Niyanig naman ng dalawang insidente ng pagsabog ang polling precints sa Amai Pakpak Elementary School sa kahabaan ng AMAI Pakpak, Marawi City, Lanao del Sur dakong alas-9:30 ng umaga .
Ayon kay AFP Task Force HOPE Spokesman Col. Ricardo Nepomuceno, tatlong M203 grenade launcher ang pinasabog sa nasabing polling precint na nasundan ng isa pang insidente matapos na pasabugan rin ang isa pang polling precint sa Sadok Elementary School sa Brgy. Sadok ng lungsod.
Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente pero nawasak ang isang pickup vehicle sa harapan ng nasabing eskuwelahan.
Sa Camp Crame, iniulat naman ni Sr. Supt. Danilo Constantino ng PNP Operations Center na dalawang kandidatong alkalde ang inaresto sa Maguindanao.
Ang mga ito ay sina Buldon mayoralty candidate Alex Tomais na nakipag-agawan sa ballot boxes at si reelectionist Mayor Andoy Mohammad ng bayan ng Pagulayan ng nasabi ring lalawigan na may kaso namang attempted murder.
Ayon sa rekord ng pulisya, umaabot sa 82 ang bilang ng mga kaso ng karahasang may kaugnayan sa halalan. Kasama rito ang 27 katao na napatay at 40 pang sugatan.
Unang karahasang napaulat kahapon ang nangyari sa Kidapawan City nang isang supporter ng isang kandidatong kongresista at kasamahan nito ang nasugatan sa pamamaril.
Sa Carascal, Surigao del Sur, dalawang maskaradong lalaki ang bumaril at nakapatay sa isang tagasuporta ng isang independent mayoral candidate na si Jery Antiho. Kinilala ang biktima na si Jonito Cabanonga, 44.
Tatlo namang supporter ni Palanan, Isabela Mayor at reelectionist Angelo Bernado ang napatay sa pananambang ng mga armadong lalaki kamakalawa ng gabi.
Isa ring tagasuporta ng isa pang kandidatong alkalde sa Pawalan ang binaril at napatay sa pakikipagsagupaan sa mga tagasuporta ng kalaban niyang kandidato.
- Latest
- Trending