MANILA, Philippines - Sabay-sabay na kakalembangin ng mga simbahan sa buong bansa ang kanilang mga kampana ngayong umaga, bilang hudyat nang pagsisimula nang idaraos na kauna-unahang automated elections sa bansa.
Nabatid na 30-segundong patutunugin ang mga kampana ng mga simbahan sa buong bansa ngayong umaga bago magdaos ng isang Banal na Misa mula 6-7 ng umaga, na alay para sa isang matagumpay at malinis na halalan.
Ayon kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, isang malaking karangalan ng mga Pinoy kung magiging matagumpay ang kauna-unahang automated elections kaya’t dapat na ipanalangin ito ng sama-sama.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang mga botante na “konsensiya” ang gamitin sa pagpili ng mga kandidatong iboboto, at huwag magpapadala sa pera at anumang mga survey at endorsements.
Sinegundahan naman ni Tandag Bishop Nereo Odchimar, pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang panawagan ni Rosales.
Ayon kay Odchimar, napakahalaga ng halalan ngayon dahil maisasama na ito sa kasaysayan ng bansa lalo pa’t kredibilidad ng Commission on Elections (Comelec) at ang karapatan ng mga botante ang nakasalalay dito.
Sinabi ni Odchimar na hindi umano dapat na magpadikta ang isang botante sa sinasabi ng isang lider o sinumang malalapit na kamag-anak o kaibigan upang maipanalo ang isang kandidato.
Hindi rin umano dapat na pagbatayan ang mga survey dahil iilan lamang ito sa milyon pamilya na nasa Pilipinas.