MANILA, Philippines - Patuloy na umaarangkada si Lakas-Kampi-CMD presidential bet Gilbert “Gibo” Teodoro matapos manguna sa pinakabagong survey ng foreign owned CIG (Campaigns and Image Group) polling and research company mula sa period ng April 19-23 sa paghablot ng plus 7 percentage points tungo sa total 33%.
Si Gibo na may slogan na “Sulong Gibo” ay angat ng isang puntos kay Nacionalista Party presidential bet Sen. Manuel Villar na may 32% matapos matapyasan ng isang porsiyento.
Natapyasan din si Liberal Party presidentiable Sen. Noynoy Aquino ng apat na porsiyento para manatili sa ika-3 puwesto na may 21%.
Naniniwala ang mga eksperto, dahil na rin sa batuhan ng putik ng kampo nina Aquino at Villar, at mga kontrobersiya na kinasasangkutan diumano ng dalawa nag-uuntugang grupo ang naglagay para mahulog sa ika-2 at ika-3 puwesto.
Nanatili naman sa ika-4 puwesto si Puwersa ng Masang Pilipino presidential bet Erap Estrada na may 5%. Umangat din ng 1% si Bangon Pilipinas presidential bet Bro. Eddie Villanueva na may naipong 2%, na tabla kay Bagumbayan presidential bet Sen. Dick Gordon.
Una rito, isang milyong boto ang pinangako ng magkapatid na Cebu Gov. Gwendolyn Garcia at Cebu Rep. Pablo John Garcia kay Gibo sa May 10 elections.