MANILA, Philippines - Dismayado ngayon ang buong angkan ng Estrada kay Senador Francis “Chiz” Escudero dahil sa pagtalikod kay dating Pangulong Joseph Estrada matapos na si Liberal Party standard bearer Noynoy Aquino ang suportahan.
Sa isang Facebook account nito, hindi napigilan ni San Juan City outgoing Mayor Joseph Victor Ejercito ang kanyang kinikimkim na sama ng loob laban sa kanyang kaibigan na si Escudero. Tila umano nakalimutan na ni Escudero kung bakit siya naging popular at naging senador.
Dagdag pa ni Ejercito na masyadong maaga para iposisyon ng batang mambabatas ang kanyang sarili para sa 2016 Presidential Election.
Sa Facebook account ni Ejercito, nakasulat sa kanyang “shoutouts” hinggil sa sama ng loob sa kanyang hindi pinangalanang kaibigan na kanilang tinulungang maging popular subalit tinalikuran sila at ngayon ay nagnanais pang maging pangulo ng bansa sa susunod na halalan pampanguluhan.
“I used to have a friend whom I will call Rockstar. I helped built up this guy through the years until he became a true star. Fame instantly went to his head that he thought that he could be ‘king’ of the land. When things went sour for his plans to be king, he started ‘biting’ the people that helped him become a star.... How easy it is for some people to forget where they came from,” nakasulat sa facebook account ni Ejercito.
Sa sumunod na shout out ni Ejercito, tinawag pa niyang ambisyosong monster ang naturang kaibigan na kanyang itinuring na isa sa kanyang matalik na kaibigan.