MANILA, Philippines - Nababahala si Commission on Elections Chairman Jose Melo na maapektuhan ang delivery ng mga balota sa ibat-ibang lalawigan sa bansa dahil sa nakaambang strike ng mga empleyado ng Philippine Airlines (PAL).
Sinabi ni Melo na sa sandaling matuloy ang strike ng mga empleyado ng PAL ay mapipilitan ang Comelec na idaan sa dagat ang mga balota kayat nakikipag-ugnayan na umano sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) na makialam sa bantang strike at mapakiusapan ang mga ito na huwag munang ituloy hanggang matapos ang eleksyon.
Nagpahayag ng pangamba si Melo matapos na maghain ng notice of strike ang mga empleyado ng PAL dahil sa plano nitong magsibak ng may 3,000 empleyado ngayong katapusan ng buwan ng Mayo.
Idinagdag pa ni Melo na inaaasahan magiging epektibo ang strike sa cargo operations ng PAL.
Bukod dito sinabi pa ni Melo na inatasan na niya ang mga tao na nagdedeliver ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines, ballot boxes gayundin ang mga balota na bilisan ang pamamahagi upang hindi maabutan ng strike ng PAL.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, 23 porsyento na ng mga balota ang nadeliver sa Luzon, 21% sa Visayas at 71% sa Mindanao.
Kailangang makarating ang PCOS machines sa kanilang mga presinto tatlong araw bago ang eleksyon upang ma-testing at maselyuhan.