Biyahe ng PCOS machines nagka-aberya
MANILA, Philippines - Tila nagpapahiwatig rin ng posibleng kabiguan ang pagbibiyahe ng mga “Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines” makaraang magka-aberya ang paglilipat sa mga makina mula bodega ng Smartmatic sa Cabuyao, Laguna tungo sa “sub-hub” nito sa Quezon City.
Nabatid na pasado ala-1 na ng hapon, hindi pa rin naikakarga sa nag hihintay na limang cargo truck ang may 7,555 makina na dadalhin sa Tandang Sora, Quezon City.
Una nang ipinagmalaki ni NCRPO spokesman, Supt. Rommel Miranda na dapat nasa bodega na sa Tandang Sora ang mga PCOS machine bago mag-tanghali kung saan may walong tauhan ng NCRPO at 15 miyembro ng Armed Forces of the Philippines-NCR Command ang nagbibigay ng seguridad dito.
Base sa inaprubahang plano ng Commission on Elections, dapat ibibiyahe lahat ng makina sa walong batches mula Miyerkules hang gang Biyernes.
Ngunit dahil sa miskomunikasyon at problema sa dokumentasyon umano sa pagitan ng Smartmatic-TIM at Comelec nabinbin ang operasyon.
Naibiyahe rin naman ang unang batch ng mga makina kahapon ng hapon matapos ang matagal na paghihintay.
Natupad naman ang pangako sa mahigpit na seguridad ni Miranda makaraang hindi papa sukin sa compound ang mga miyembro ng media na nag-cover nito at maging si Supt. Miranda dahil sa kawalan ng “access cards” na iniisyu ng Smartmatic.
Mula sa “sub-hub” sa Tandang Sora, muling ibibiyahe ito sa 743 presinto sa Metro Manila. May ikinabit ring “global positioning system (GPS)” sa mga patrol cars na nag bibigay seguridad sa mga cargo trucks.
- Latest
- Trending