MANILA, Philippines - Tinawag na matapobre ni PDP-Laban President Aquilino “Koko” Pimentel III si Sen. Mar Roxas nang maliitin nito ang desisyon ng mga botante nang ipahayag niya sa ilang major newspapers na ang pinaglalabanan na lamang sa vice presidential race ay ang ikalawang puwesto.
Ayon kay Pimentel, nakalulungkot lamang ang paniwala ni Roxas na utang na loob na dapat bayaran ng mga mamamayan sa kanya ang vice presidency dahil nagbigay-daan siya kay Sen. Noynoy Aquino. Aniya, nais nilang ipaalala kay Roxas na ang vice presidency ay hindi basta maaangkin.
Ang PDP-Laban ay bahagi ng United Opposition, isang koalisyon ng PDP-Laban at ng Puwersa ng Masang Pilipino ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sinabi ni Pimentel na ang pangmamaliit ni Roxas sa mga botante ay “nagpapakita ng tunay nitong karakter.”
Lumalabas na hindi matanggap ni Roxas ang katotohanang ang isang tulad ni Jojo Binay, na hindi tulad nang pinanggalingan niyang angkan, ay maaaring maging mahigpit niyang kalaban na posible pang makasira sa kanyang mga plano.
Napaulat na sinabi ni Roxas na ang vice presidential race ay labanan lamang sa pangalawang puwesto nina Binay at Sen. Loren Legarda.
Ayon pa kay Pimentel, sa nalalabing mga araw ng kampanya, ang PDP-Laban at ang mga volunteer groups na sumusuporta kay Binay ay patuloy na magtatrabaho nang mabuti.