MANILA, Philippines - Bawal hawakan ang mga Precint Count Optical Scan (PCOs) automated machine!
Ito ang mariing direktiba ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Delfin Bangit sa tropa ng militar kaugnay ng gaganaping lokal at pambansang halalan sa Mayo 10 upang maiwasang makaladkad sa isyu ng dayaan sa halalan ang mga sundalo.
Noong 2004 national elections ay ilang heneral ng AFP ang isinangkot sa umano’y malawakang dayaan.
Bukod sa pagbibigay seguridad ay hindi sasalingin o hahawakan ni isang daliri ng mga sundalo ang mga PCOs at iba pang election paraphernalia na gagamitin ng Comelec sa halalan.
“May certain distance tayong allowed dyan (PCOs) etc., the role of the AFP is very clear,” ani Bangit na binigyang diin nakatuon lang ang kanilang konsen trasyon sa pagbibigay seguridad sa itinuturing na isa sa pinakamahalagang event sa bansa kaugnay ng mga susunod na pinuno ng gobyerno.