Nagpa-presscon kay Ampatuan Jr.: Jail warden sinibak!
MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno ang deputy warden ng Quezon City Jail Annex matapos ang kontrobersiyal na press conference na ginawa ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa loob mismo ng kanyang kulungan.
Sa kautusan ni Puno, pinatalsik sa puwesto si Senior Inspector Lloyd Gonzaga, deputy warden ng QCJ Annex na nasa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Pansamantalang ipinalit sa kanya si Supt. Clement Laboy, Regional Chief of Staff ng Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region. Si Gonzaga ay inilipat naman bilang hepe ng BJMP-NCR for Operations.
Umani ng kaliwat-ka nang batikos mula sa ibat-ibang sektor ang ginawang pulong-balitaan ni Ampatuan Jr. sa loob ng nabanggit na detention facilities.
Ayon kay BJMP Deputy Chief of Operations, Chief Supt. Doris Dorigo, hihingan nila ng pahayag ang lahat ng tauhan ng BJMP sa loob ng kampo para magamit sa isasagawang imbestigasyon.
Partikular dito ang posibleng paglabag ng ilang mga opisyal sa Camp Bagong Diwa sa standard operating procedures ng pahintulutan si Ampatuan Jr. na makapag-presscon sa loob ng kulungan.
Ngunit, iginiit ng mga opisyal ng BJMP na humingi ng permiso ang abogado ni Ampatuan Jr. na magsagawa ng presscon dahil umano sa nais nitong magbigay ng pahayag kaugnay sa inilabas na resolusyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Alberto Agra na nagpapawalang-sala sa dalawang miyembro ng Ampatuan kaugnay sa Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009.
Sa press statement ng BJMP sinabi nitong ang kanilang hanay ay walang legal authority na pigilan ang bawat tanong ng media gayundin ang karapatan ni Ampatuan Jr. sa larangan ng kalayaan ng pamamahayag dahil anya ang akusado sa Maguindanao massacre, sa ilalim ng batas ay itinuturing pang inosente at may karapatan na kahalintulad ng ibang mamamayan.
- Latest
- Trending