Distribusyon ng mga balota umpisa na
MANILA, Philippines - Simula sa Abril 24, Sabado, ay uumpisahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang distribusyon ng mga balota na gagamitin para sa kauna-unahang automated elections sa bansa sa Mayo 10.
Sa isang notice ng Comelec na nilagdaan ni Ma. Vina Zamora, Legal Officer IV ng Administrative Services Department, inanyayahan ng poll body ang lahat ng accredited political parties, party-list participants at mga citizen’s arm na saksihan ang pagsisimula ng naturang aktibidad.
Ipapadala ng Packing ang Shipping Committee (PSC) ng Comelec ang mga official ballot sa mga city at municipal treasurer sa buong bansa, sa halip na idaan pa sa provincial offices, upang makatipid sa oras at resources.
Ang mga balota ay kasalukuyang nakaimbak sa tanggapan ng National Printing Office (NPO) sa Quezon City at sa Foreign Surface Mail Distribution Center (FSMDC) sa Maynila.
Ang mga balota na nasa NPO ay ipapadala sa Luzon area habang ang mga balota na nasa FSMDC ay siya namang ipapadala sa Visayas at Mindanao areas.
- Latest
- Trending