Presscon ni Andal Jr. bubusisiin
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno kung may nilabag sa patakaran ng Bureau of Jail Management and Penology nang hayaang makapagpatawag ng pulong-balitaan si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa loob ng piitan nito.
Inatasan ni Puno si DILG Undersecretary for Public Safety Marius Corpus na tukuyin kung may paglabag sa polisiya at regulasyon ng BJMP patungkol sa kustodiya ng mga bilanggo.
Agad din inatasan ng kalihim si Corpus na makipag-ugnayan kay BJMP Director Rosendo M. Dial at tignan kung may kamaliang nagawa at kung dapat bang makipag-ugnayan si Ampatuan Jr. sa mga mamamahayag sa kabila ng pagkakapiit nito sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Nitong Martes, napaulat na nagpatawag ng presscon si Ampatuan sa naturang bilangguan kung saan inindorso umano niya ang kandidatura nina Liberal Party presidential candidate Benigno “Noynoy” Aquino III at vice presidential candidate Mar Roxas.
Kabilang si Ampatuan sa pangunahing mga suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa 57 kataong kinabibilangan ng pamilya ng kanilang kalaban sa pulitika at mga mamamahayag sa Maguindanao noong Nob. 23, 2009.
“Tinalo pa sina Senator Antonio Trillanes at General Danny Lim!” pahayag ni Aquino patungkol sa pulong-balitaan ni Ampatuan.
Ipinagtataka ni Aquino kung bakit pinayagan ng BJMP ang pagpapa-presscon ni Ampatuan.
Sinabi ni Aquino na si Trillanes ay nahihirapan na makausap ng media pero si Ampatuan ay nagawa pang makapagpatawag ng press conference na parang nasa loob lamang ng isang country club.
Nauna rito, sinabi ni Aquino na hindi niya tinatanggap ang endorsement ni Ampatuan lalo pa’t ito ang pangunahing suspek sa Maguindanao massacre.
- Latest
- Trending