Defensor hindi inendorso ng Gabriela
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ng grupo ng mga kababaihan na sinusuportahan nila ang kandidatura ni Quezon City mayoralty candidate Mike Defensor.
Sa isang text message na ipinadala ni Liza Maza, partylist representative na nagtataguyod sa kapakanan ng mga kababaihan na Gabriela, sinabi nitong hindi sinusuportahan ng kanilang hanay si Defensor, na kilalang malapit kay Pangulong Arroyo at dahil na rin sa mga ilang kasong paglabag sa kababaihan na kinasangkutan nito.
“No we are not supporting Mike Defensor in QC. Our chapter there s n d process of talking to candidates re d women’s agenda. After that process dun kami magdedecide cno ang susuportahan”, batay sa mensahe ng dating mambabatas at ngayo’y tumatakbong senador.
Ito ay matapos lumabas sa ilang pahayagan ang umano’y paggamit ng kampo ni Defensor sa kanilang organisasyon upang pabanguhin ang kanilang pangalan sa publiko partikular na sa naturang lungsod.
Si Defensor ay sangkot kung bakit kinasuhan ng US government ang ilang Pinoy nurses doon noong 2006 o mas kilala bilang “Sentosa 27” na ibinunyag ni Senator Nene Pimentel, “Padi’s Point scandal” taong 2001 at maanomalyang kontrata sa pagitan ng gobyerno at ZTE-NBN.
Noong nakaraang buwan nagpalabas din ang kampo ni Mike ng pekeng poll survey sa QC na pabor sa kanyang kandidatura na agad namang kinontra at pinabulaanan ng pamunuan ng SWS at Pulse Asia.
- Latest
- Trending