MANILA, Philippines - Walo pang lalawigan ang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) na kabilang sa mga election watchlist o hotspot na masusing babantayan ng mga awtoridad kaugnay ng halalan sa Mayo 10.
Tinukoy ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang mga lalawigan ng Quezon, Masbate, Iloilo, tatlong lalawigan sa Samar, Surigao at Davao.
Ayon kay Verzosa, sa kabuuang 500 election watchlist, 18 hanggang 17 lalawigan ang naklasipikang mga Areas of Immediate Concern tulad ng Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu, Basilan, Nueva Ecija , Abra atbp.
Sa tala ng PNP, umaabot sa 211.11 % ang ibinaba ng mga Election Related Violent Incidents (ERVI) sa pagsisimula ng election period kumpara noong 2007 national elections at 186.67 % naman itong mababa noong 2004 national elections.
Umaabot naman sa 71 ERVIs ang naitala ng PNP simula noong Enero 10 ng mag-umpisa ang election period kung saan 33 indibidwal ang nasawi, 31 ang nasugatan habang 45 ang nakaligtas sa insidente.
Kaugnay nito, sinabi ni Verzosa na posibleng tumaas pa ang mga insidente ng ERVI lalo na sa local level habang palapit na ang halalan.