4 Pinoy nahahawahan ng AIDS kada araw
MANILA, Philippines - Ibinunyag ng Department of Health na lumalabas na apat na Pilipino kada araw ang ratio ng nagkakaroon ng human immunodeficiency virus/Acquired Immune Deficiency Syndrome infection sa bansa ngayong kapapasok lang ng taong 2010.
Nabatid ito sa idinaos na isang araw na HIV/AIDS summit sa Diamond Hotel sa Maynila kahapon.
Nakakaalarma na umano ang sitwasyon sa mabilis na pagdami ng kaso, ayon kay National Epidemiology Center head Dr. Eric Tayag ng DOH.
Sa pag-aaral, noong taong 2000, isang kaso kada ikatlong araw pa lamang na tumaas naman noong taong 2007 na isang kaso bawat araw habang nitong 2009 ay dalawang kaso bawat araw na nadoble ngayong taong 2010 na umabot na apat ang kaso kada-araw.
Sa pinakahuling datos, sa ulat ng STD/AIDS Cooperative Central Laboratory sa HIV and AIDS Registry na nitong Marso 2010 ay nakapagtala sila ng 120 bagong HIV Ab seropositive individuals, kumpara sa 59 kaso noong Marso 2009 o mas mataas ngayon ng 102 %.
Sa kabuuan, ngayong unang tatlong buwan ng taong 2010, aabot na sa 393 ang mga indibidwal na kumpirmadong nahawahan ng HIV/AIDS infection sa bansa.
Karamihan (104 o 87 %) ng mga nagkasakit nitong Marso ay mga lalaki at ang 49 porsiyento o 58 kaso ng mga bagong kasong naitala ay mula sa National Capital Region.
Sinabi rin ni Tayag na wala ng ligtas na lugar sa bansa dahil lahat ng 17 rehiyon at 72 sa kabuuang 80 lalawigan sa bansa ay pawang nag-uulat na nakapagtala na ng kaso ng HIV/AIDS infection sa kanilang lugar.
Karamihan pa rin sa mga bagong kaso ay nagkasakit dahil sa pakikipagtalik (102) habang ang iba pa ay nahawa sa paggamit ng iisang karayom habang gumagamit ng illegal na droga (13).
Kabilang naman umano sa mga nanganganib na mahawa ng sakit o most-at-risk population ay ang mga kabataan at mga kapareha ng mga ito, mga sex worker at mga kliyente ng mga ito at mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, gayundin ang mga nagtuturok ng illegal drugs.
- Latest
- Trending