3 brodkaster sibak!
MANILA, Philippines - Tatlong newsmen na may programa sa DZXL ng Radio Mindanao Network ang tinanggalan ng programa dahil sa umano’y pagbatikos kay Nacionalista Party presidential bet Manny Villar.
Sinibak ng management ng RMN ang programang ‘Escalera Boys’ na kinatatampukan nina Abante columnist Rey Marfil, Journal Group reporter Marlon Purificacion at IBC 13 reporter Jeff Zaide.?
Ang programa ay napapakinggan tuwing Sabado ng umaga. Sa naturang mga brodkaster umano nagmula ang taguring “Villaroyo” na ang kahulugan ay lihim na suporta ni Presidente Arroyo kay Villar.
Tinuligsa naman ng kampo ni Liberal Party presidential bet Noynoy Aquino ang umano’y panggigipit ni Villar sa media na kritikal sa kanyang kandidatura.
Sinasabing pinakamalaki ang gastos ni Villar sa media na tinatayang P2 bilyon, at nabigyan umano ng malalaking kontrata sa mga ‘ad placement’ ang mga istasyon ng radyo.?
Nagalit umano sa grupo si Villar matapos interbyuhin sa programang Escalera Boys noong Pebrero 6, si dating Cabinet Sec. Lito Banayo, kilalang kaalyado ni Sen. Panfilo Lacson na siyang nagbunyag at nanguna sa imbestigasyon sa kontrobersyal na ‘C5 road extension scandal’ na kinasangkutan ni Villar.
Bago pa man matanggal ang kanilang programa ay nakatanggap na umano sila ng mga “paalala” sa ilang mga kasamahan sa media na huwag masyadong tuligsain si Villar sa kanilang weekly radio program kung ayaw nilang matanggal ito sa ere.?
Bagaman kapansin-pansin na tanging ang programa ng tatlong Senate reporters ang nawala sa weekend program schedule ng RMN, nanindigan naman ang management nito na nagkaroon talaga ng reformatting sa kanilang istasyon at walang kinalaman si Villar sa kanilang naging desisyon.
- Latest
- Trending