MANILA, Philippines - Itinanggi ng Nacionalista Party (NP) na sa kanila nagmula ang umano’y psychological report kay Liberal Party (LP) presidential bet Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ipinaliwanag ni NP senatorial candidate Atty. Adel Tamano na hindi ugali ng kanilang partido na maglunsad ng mga black propaganda dahil ayaw nila ng maruming taktika ng pamumulitika ngayong eleksiyon.
Paniwala ni Tamano, higit na makikinabang si Aquino sa paglabas ng report dahil puwedeng palabasin na biktima ito ng demolisyon at palabasin na masama ang NP.
“I think the LP will be the one to benefit kasi lalabas na masama kami on two levels. Kasi one, nasisira kami dahil sasabihin ang sama naman ng NP naglalabas sila ng ganyang klaseng dokumento,” pahayag ng constitutional law professor na si Tamano.
Anya pa, ang umano’y kinukuwestiyong psychological evaluation ng Ateneo de Manila University na dumanas umano ng mental disorder si Aquino ay lalo lamang makakasakit kesa magpaganda sa kampanya ng NP para sa Mayo 10 elections.
“The party believes that there are far more important issues that need to be attended to than resorting to black propaganda,” pahayag ni Tamano.
Samantala, tumanggi naman si Aquino na magkomento sa sinasabing pagtatampo umano ng bunsong kapatid na si Kris Aquino sa kaniyang home studio na ABS-CBN.
Lumutang ang tungkol sa pagtatampo umano ni Kris matapos i-ere ng ABS-CBN ang ulat ni Ces Drilon tungkol sa pekeng medical records ni Aquino na nagsasabing nagkaroon ito ng matinding depresyon noong 36 taong gulang siya.
Pero kung ang senador ang tatanungin, ayaw na niyang pahabain ang nasabing isyu at hindi anya dapat pinapatulan ang mga dokumentong hindi naman totoo.
Napatunayan nang peke ang nasabing dokumento matapos itanggi ni Fr. Tito Caluag, chaplain ng Ateneo de Manila University.