Nograles dismayado sa Comelec
MANILA, Philippines - Dismayado si House Speaker Prospero C. Nograles sa Commission on Elections sa umano’y kapabayaan nito sa tungkulin na magpatupad ng isang malinis at mapayapang eleksiyon, dahil sa umano’y pagkabigo ng ahensiya na ipatupad ang total gun ban.
Ayon kay Nograles mismong sa Davao City, may mga lokal na opisyal, opisyal ng barangay at maging mga motorcycle-riding goons na walang takot na kumakalat sa lugar at ni hindi itinatago ang kanilang mga baril sa publiko. Mayroon din umanong mga miyembro ng New People’s Army na malayang pakalat-kalat sa mga barangay upang manakot ng mga tao at mga boluntaryong nangangampanaya para sa mga lokal na kandidato rito na tumatangging magbigay ng protection money sa grupo ng NPA.
Pinuna ni Nograles, dahil sa patuloy na pagtanggi ng Comelec na ilagay ang Davao City sa ilalim ng full Comelec control, mayroon ng dalawang tao ang nagbuwis ng buhay, ito ay ang mga campaign volunteers ng Bantay Party-list group na pinamumunuan ni retired Major General Jovito Palparan, na kilalang anti-communist advocate at kritiko ni Mayor Rodrigo Duterte.
Bukod dito, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin umano kumikilos ang Comelec upang linisin ang voter’s list kung saan mayroong humigit-kumulang sa 40,000 multiple/double at dead registrants sa Davao City at Davao del Sur, ilan sa mga nasa talaan ay kapatid at anak umano ni Mayor Duterte.
- Latest
- Trending