Reporter, comatose sa heat stroke
MANILA, Philippines - Isang reporter ng DZME ang comatose ngayon sa ospital matapos na atakihin ng heat stroke habang nagre-report kahapon ng umaga sa may Ilustrado Restaurant, Intramuros, Maynila.
Alas-10 ng umaga, nang bigla na lamang bumagsak si Romulo “Molly” Angeles, 55, ng Marilao, Bulacan sa kalagitnaan ng kanyang panayam kay Ali Atienza na siyang kumatawan kay dating DENR Secretary at Mayoralty candidate Lito Atienza, sa lingguhang CBCP forum na ginanap sa Ilustrado Rest.
Sinabi ni Mike Almonte, ng DZAR, magkatabi sila sa upuan ni Angeles nang bigla na lamang sumubsob sa hita ni Ali habang kinakapanayam.
Kaagad namang isinugod sa Manila Doctors Hospital si Angeles gamit ang sasakyan ni Ali, pero hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay “comatose” pa rin si Angeles.
Sinabi ni Almonte, nakiangkas pa sa kanyang motorsiklo si Angeles papunta sa Ilustrado at wala namang sintomas na inaatake na bagama’t nakakapanibago na nakiangkas ito sa isang kasamahan dahil may sarili naman itong motorsiklo.
Gayunman, nabatid na may dati nang sakit na hypertension si Angeles at posibleng ang napakainit na panahon ang nagpaigting sa kanyang kondisyon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending