MANILA, Philippines - Iniulat ng Bureau of Immigration ang pagtaas ng bilang ng tanong na tinatanggap nito mula sa publiko sa pamamagitan ng Internet at sa telecommunications industry na indikasyon ng lumalaking interes sa mga dayuhan ukol sa iba’t ibang uri ng visa na ibinibigay ng ahensiya.
Ayon kay Rodolfo Gino, pinuno ng BI national operations center, may regular na pagtaas sa bilang ng email message at mga tanong sa telepono na natatanggap mula nang itatag ang center tatlong taon na ang nakalipas.
Ang center, na nilikha matapos manungkulan si Commissioner Marcelino Libanan bilang BI chief noong May 2007, ay inatasan na tumanggap ng tanong sa publiko at i-monitor ang aktibidad ng ahensiya sa lahat ng airports at seaports sa buong bansa.
Itinatag ito upang mabigyan ang mga dayuhan at publiko ng isang mekanismo upang makakuha ng impormasyon ukol sa BI at ipadala ang kanilang tanong at komento ukol sa mga isyung may kinalaman sa immigration.
Sa kanyang ulat kay Libanan, sinabi ni Gino na nakatanggap ang kanyang staff ng kabuuang 1,259 katanungan sa email noong Enero at Pebrero ngayong taon.
Aniya, 96 percent ng mensahe ay may kinalaman sa visa application, requirements sa visa extension, immigrant at non-immigrant visas at mga bayarin.
Nanawagan si Gino sa publiko na gamitin ang BINOC’s online facility sa pamamagitan ng pag-access sa email addresss sa xinfo.immigration.gov.ph. (Butch Quejada)