May rebelyon - DOJ
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Department of Justice at ng Malacañang din na may naganap na rebellion sa Maguindanao na kinasasangkutan ng mga Ampatuan na naging sanhi para ideklara ng pamahalaan ang batas-militar sa lalawigan noong Disyembre 2009.
Ginawa ni DOJ Secretary Alberto Agra ang pahayag bilang reaksyon sa pagdismis ng Quezon City Regional Trial Court sa kasong rebelyon laban kay Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., ibang mga miyembro ng angkan nito at tagasuporta.
Bagaman nadismis ang rebelyon, hindi pa rin makakalaya ang mga Ampatuan dahil sa hiwalay na kaso kaugnay ng pamamaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23.
Sinabi ni Agra na humingi na siya ng kopya ng desisyon para maiapela ito ng DOJ. Maaaring magsampa sila ng motion for reconsideration sa QCRTC o maghabol sa Court of Appeals.
Inamin ni Agra na ikinagulat niya ang desisyon sa pagsasabing ayaw niya itong personalin. Ayokong pinepersonal ang ganitong decision. Pero kinagulat namin dahil, sa aming paniniwala, may rebellion,” sabi pa ng kalihim.
Sinasabing nagplano umano ng pag-aaklas laban sa pamahalaan ang mga Ampatuan nang tangkaing arestuhin ng militar at pulisya ang ilang miyembro ng kanilang angkan at tagasuporta na sangkot sa Maguindanao massacre.
Iaapela rin ng Armed Forces of the Philippines sa Supreme Court ang naging desisyon ng mababang korte sa kasong rebelyon.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit, wala na sa kanilang hurisdiksyon kung ibasura man ni Judge Vivencio Baclig ang kasong rebelyon laban sa mga Ampatuan.
Sinabi pa ni Bangit na handa silang magsumite ng ebidensya na magpapatunay na may nangyaring rebelyon sa Maguindanao sa kasagsagan ng crackdown ng mga awtoridad laban sa lahat ng sangkot sa massacre.
- Latest
- Trending