Pinay sugatan sa suicide bombing sa Moscow
MANILA, Philippines - Isang Pilipina ang napabilang sa 102 kataong nasugatan sa dalawang suicide bombing sa Moscow sa Russia na ikinasawi ng 37 katao kahapon.
Kinilala ni Philippine Ambassador Victor Garcia ang Pilipina na si Maria Fe Aileen Ponting, 39 anyos, nagtatrabaho bilang domestic helper sa naturang bansa.
Nasugatan si Ponting sa hiwalay na pambobomba sa Lubyanka Station. Papunta siya sa kanyang pinapasukan nang maganap ang pagsabog.
Sinabi ni Garcia na nasugata sa mukha si Ponting pero maayos na ngayon ang kundisyon nito.
Ayon sa ulat, dalawang babaeng suicide bomber ang pinasabog ang kanilang sarili sa subway system ng Moscow sa kasagsagan ng maraming pasahero rito.
Unang naganap ang pambobomba sa Lubyanka Station bandang alas-8:00 ng umaga. Pagkaraan ng 45 minuto, naganap ang pagsabog sa Park Kultuy station. (Ellen Fernando at AP)
- Latest
- Trending