MANILA, Philippines - Kung may Hacienda Luisita si Senador Noynoy C. Aquino, mayroon namang Hacienda Araneta sa Rizal ang running mate nitong si Senador Mar Roxas.
Hiniling ng may 100 te- nant families sa Barangay Mascap, Rodriguez, Rizal kay Roxas at sa Korte Suprema na matulungan silang makuha na ang lupang pinagyayaman nila sa ilalim ng agrarian reform program.
Ang mga magsasaka na pinangungunahan ni Ginoong Vicente Rarallo kasama sina Eduardo Pamitan at Artemio Gonzales ay patuloy na nakikipaglaban ng may 38 taon na mula 1972 para mapasakanila na ang 1,645 ektaryang lupa na pagmamay-ari ng pamilya ng nanay ni Roxas na si Judy na matagal nang naideklarang nasa ilalim ng land reform noong Hunyo 15, 1988.
Iginiit din ng mga magsasaka na kung talagang para siya (Roxas) sa taumbayan, kukumbinsihin niya ang kanyang pamilya na maibigay na sa mga benepisyaryo ang naturang sakahan.
Ang pamilyang Roxas ay nagmamay-ari ng 510-hectares na lupa sa San Mateo, Rizal, ang dating mill sites sa Bacolod Murcia at Talisay Silay sa loob at labas ng Bacolod City at sa 35-hectare na Magsungay land at major property malapit sa bagong international airport sa Silay City. (Butch Quejada)