MANILA, Philippines - Hiniling ni Caloocan Bishop Deogracias Yniguez, opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines public affairs office, kay Philippine National Police Chief Director General Jesus A. Verzosa na huwag payagan ang sarili at ang kapulisan na magamit ng ilang grupo na may intensiyong mandaya sa darating na eleksiyon.
“Gawin nila ang tungkulin sa bayan, huwag sila magpagamit sa sinuman. Managot sa Diyos. At umaasa akong paninindigan ni Verzosa ang kanyang salita,” wika ni Yniguez.
Sinabi ni Yniguez na ang CBCP ay naaalarma sa ulat na maaaring magkaroon ng “failure of election”. Hinikayat din niya ang mga Pilipino na pumili ng tamang kandidato.
Nag-isyu naman ang Arsobispo at mga Obispo ng Manila Metropolitan Ecclesiastical Province ng isang pastoral letter bilang panukala sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa.
Kasama sa pastoral letter ang mga katangian ng mga lider upang maserbisyuhan ang publiko. (Mer Layson)