Nagsampa ng 'graft' vs Manila lady solon nagpasaklolo sa media
MANILA, Philippines - Matapos magsampa ng graft case sa isang lady solon, ibinunyag ng tatlong residente ng District 4 sa Maynila ang mga umano’y pagtatangka sa kanilang buhay.
Kahapon ay dumulog sa mga mamamahayag sa Manila City Hall Press Club sina Alex Macaso, ng Geronimo St., Sampaloc, Manila; Conchita Dela Rama Velasquez ng 1702 Lardizabal St., Sampaloc, Manila, at Nestor G. Sevilla upang humingi ng saklolo kaugnay ng natatanggap umano nilang pagbabanta mula nang magkakahiwalay nilang isampa sa Office of the Ombudsman ang kasong ‘malversation of public fund’ at ‘graft’ o Violation of RA 3019 laban kay outgoing Congresswoman Trisha Bonoan-David.
“Simula po ng nai-file namin sa Ombudsman yung kaso na ‘yan, sari-saring pananakot na ang ginagawa sa amin…pero lalo itong tumindi nang mabunyag ito sa media at mai-publish last week. Kung yung dati, mga text messages lang, ngayon, may umaaligid na sa aming bahay at pagkaminsan ay sumusunod sa amin,” wika ni Velasquez, na nagfile noong Feb.18 ng graft case at humihiling na pagsuspinde kay Bonoan-David, bunsod ng pagbibigay umano nito ng tseke ng DSWD bilang pamasko sa 49 health workers ng lungsod na may halagang P700, kasama ng may ilang kilo ng bigas.
Ayon naman kay Macaso, dating taga-gawa ng murals ni Bonoan-David, nito lamang nakalipas na Miyerkules, alas-8 ng umaga habang siya ay papunta sa kaniyang trabaho ay may napansin siyang mga lalaking armado na sumusunod sa kanya. Subalit nagawa niya itong maitaboy nang kunwari’y kinukuhaan niya ito ng litrato gamit ang kanyang cellphone.
Samantalang sa pamamagitan naman ng text message natanggap ni Sevilla na sinasabing “huwag ka nang makigulo sa kaso…dagdag ka pa eh.”
Tiwala naman ang mga ito na sa lalong madaling panahon ay aaksyunan ng Ombudsman ang kanilang mga reklamo laban sa kongresista dahil na rin sa kanilang mga ebidensiya.
- Latest
- Trending