MANILA, Philippines - Lalo pang dinikitan ni Sen. Manuel Villar ng Nacionalista Party si Sen. Benigno “Noynoy?Aquino III sa bagong pambansang survey sa mga presidential candidate na kinomisyon ng Manila Broadcasting Corporation-dzRH.
Ang survey ay base sa face-to-face na panayam ng L.A. Research Inc. sa hanay ng 7,461 rehistradong botante mula Pebrero 15 at 16 sa tulong ng 200 istasyon sa buong bansa ng MBC-dzRH.
Nakapagtala na lamang dito si Aquino ng 37.1% habang 29.8% naman si Villar.
Kumpara sa huling survey ng MBC-dzRH noong Disyembre 2009, nakapagtala si Aquino ng 45.7% na sinundan ng 24.6% ni Villar.
Lumilitaw sa dalawang survey ng MBC-dzRH na bumagsak si Aquino nang 8.6% habang umangat si Villar nang 5.2%, kung saan minsang umabot sa 60% ang kalamangan ni Aquino nang magdeklara siya ng pagtakbo kasunod ng pagkamatay ng kanyang ina, si dating Pangulong Cory Aquino.
Inihayag ng MBC-dzRH na nanguna si Villar sa mga rehiyong 1, 7, 8, at 12 kung saan isinama na rin sa bagong pananaliksik ang mga residente ng Autonomous Region of Muslim Mindanao. (Butch Quejada)