Graft vs solon

MANILA, Philippines - Nanganganib umanong masuspinde si Congresswoman Trisha Bonoan-David ng 4th District of Manila at tuluyang madiskuwalipika ang kandidatura nito matapos sampahan ng kasong ‘malversation’ at ‘graft’ sa Office of the Ombudsman ng mismong mga ka-distrito nito.

Ang tatlong magkakahiwalay na reklamo nina Alex Macas, ng Geronimo St., Sampaloc, Manila noong Nobyembre 18, 2009; Conchita Dela Rama Velasquez ng 1702 Lardizabal St., Sampaloc noong Pebrero 18, 2010 at Nestor G. Sevilla, tax payer at lehitimong residente ng Miguellin St., na may petsang March 5, 2010 laban kay Bonoan-David ay isinampa sa Ombudsman partikular ang kasong Anti-Graft and Corrupt Practices o Violation of RA 3019 at ‘malversation of public fund’ bunsod ng umano’y paggamit nito ng pondo ng pamahalaan sa kanyang mga personal na gastusin sa pamumulitika.

Sa reklamo, sinabi ni Macaso, isang computer graphic artist, na binayaran siya ni Bonoan-David ng halagang P6,000 sa pamamagitan ng paggamit ng ‘tseke’ ng DSWD na may lagda nito matapos niyang ipinta ang pangalan ng kongresista sa mga ‘barangay landmark o murals.’ Si Sevilla ay nagsampa rin ng parehas na reklamo laban kay Bonoan-David gamit ang naturang argumento.

Hiniling naman ni Velasquez sa Ombudsman na mag-isyu ng ‘cease and desist’ order laban sa DSWD-NCR upang mapigilan ito sa paglabas ng budget na nakapailalim sa Comprehensive and Integrated Delivery Social Services Programs ng DSWD bilang ‘poverty alleviation fund’ ni Bonoan-David na dapat sana ay ibinibigay sa mga kapus-palad na ka-distrito. (Butch Quejada)

Show comments