MANILA, Philippines - Nagbabala ngayon si Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) senatorial stalwart Joey de Venecia sa posibleng pananamantala sa deklarasyong state of calamity sa Mindanao para mabigyan ng katwiran ang pagbili ng over-priced stop-gap power generating sets.
Ayon kay de Venecia, dapat siniguro ng administrasyong Arroyo ang mabilis at transparent na bidding process para maimbitahan ang iba pang dayuhan at local na suppliers para sa kinakailangang emergency generating sets, sa halip na pumasok sa negosasyon sa iilang kumpanya na umaasa sa pagiging malapit sa ilang opisyal nang Palasyo.
Sinabi ni de Venecia na galit at dismayado na ang mga taga-Mindanao sa hindi pagbibigay pansin ng administrasyong Arroyo sa problema gayong ipinaabot na sa kanila noon pang nakalipas na taon ang napipintong tagtuyot.
Inihayag ni de Venecia na nagbabala si Guido Delgado, presidente ng National Power Corporation mula 1994 hanggang 1998, sa napipintong problema sa kuryente sa Mindanao noon pang unang maluklok sa puwesto si Arroyo kaya hindi tama na isisi sa El Niño phenomenon ang problema at magdeklara ng power emergency.
“Even her top Mindanao adviser, Secretary Jesus Dureza has said hydroelectric generation plants only accounted for 19% of Mindanao’s power mix in 2009,” pahayag ni de Venecia.
Hinaing pa ni de Venecia na ang mga Pilipino ang siyang magbabayad sa naging incompetence ng outgoing administration na nagmamadaling makakuha ng emergency power at magpataw ng mas mataas na electricity rates sa Mindanao. (Butch Quejada)